January 8, 2026 | 12:00am
Dear Dr. Love,
Kamakailan lamang po ay pinapaalis kami ng may-ari ng bahay na aming inuupahan—agad-agad at halos walang abiso. Masakit po ito para sa aming pamilya. Hindi po madali ang humanap agad ng malilipatan, lalo na’t may mga bata at limitado ang aming kita. Ang hinihiling lang po sana namin ay kahit isang buwang palugit man lang para makapaghanda at makahanap kami ng maayos na malilipatan, pero hindi ito naibigay.
Dr. Love, paano po ba namin haharapin ang ganitong pagsubok nang hindi tuluyang mawalan ng pag-asa?
Tanya
Dear Tanya,
Ang biglaang pagpapaalis sa inyo ay talagang masakit at nakakapanghina ng loob. Normal lamang na makaramdam kayo ng takot at pangamba, lalo na’t tahanan ang nakataya—isang bagay na hindi lang tirahan kundi sandigan ng pamilya.
Una, huwag mawalan ng lakas ng loob. May mga sitwasyong dala ng pangangailangan o problema ng may-ari ng bahay, pero hindi ibig sabihin nito’y wala na kayong karapatan. Kung maaari, subukan ninyong makipag-usap nang mahinahon.
Ipaliwanag na hindi kayo tumatangging umalis, ngunit humihiling lang ng makataong palugit para makapaghanda at makahanap ng malilipatan.
Ikalawa, sa gitna ng kagipitan, mahalagang magtulungan kayo bilang pamilya. Minsan, ang pinakamabigat na problema ay gu-magaan kapag pinagtutulungan.
At panghuli, tandaan ninyo na ang tahanan ay hindi lang apat na sulok ng bahay. Hangga’t buo ang inyong pamilya at may pag-asa sa puso, may tahanan pa rin kayo. Hindi permanente ang pagsubok na ito.
Magtiwala kayo, kumilos, at huwag mawalan ng pag-asa.
DR. LOVE