January 7, 2026 | 12:00am
PINAG-UUSAPAN ngayon sa Chinese social media ang kaso ng isang pamilya sa Beijing na sinisi ang kanilang kapitbahay matapos maospital ang kanilang 7-anyos na anak dahil sa acute gastroenteritis.
Nagsimula ang insidente nang magpasya ang mga kapitbahay na umorder ng “extra-spicy meal” upang turuan ng leksiyon ang misteryosong magnanakaw na paulit-ulit na tumatangay ng kanilang food delivery na iniiwan sa tapat ng kanilang pinto. Lingid sa kanilang kaalaman, ang pasaway na bata pala ang salarin.
Matapos nakawin at kainin ng bata ang sobrang anghang na pagkain, dumanas ito nang matinding sakit ng tiyan at pagsusuka kaya kinailangang isugod sa ospital. Galit na sumugod ang mga magulang ng bata sa kapitbahay at humingi ng 2,000 yuan (16,000 pesos) bilang compensation sa medical bills, sa katwirang “nilason” diumano ang kanilang anak.
Gayunman, tumanggi ang mga inakusahan at kinampihan sila ng mga legal experts. Ayon sa abogado, walang pananagutan ang mga umorder dahil karapatan nilang kumain ng maanghang at ang sili ay isang condiment, hindi lason at ang iligal na pagkuha ng pagkain ang tunay na sanhi ng disgrasya.