January 19, 2026 | 12:00am
Dear Dr. Love,
Seaman ang mister ko, pero tatlong taon kaming naghiwalay. Noong pandemic lamang siya bumalik sa aming mag-ina dahil gusto na raw niyang magbagong buhay.
Mula noon ay naging maayos naman ang aming pagsasama.
Pero minsang naglaro siya ng basketball ay naiwan ang cellphone niya. Ewan ko ba at kinutuban akong tingnan ito.
Nabasa ko ang pinirmahan niyang bagong insurance na “not yet annulled” ang nakasulat at tanging ang isang anak lang namin ang dependent niya at hindi ako kasali.
Pinabasa ko sa anak ko ang nakasulat. Nakita ko rin ang mga pictures nilang magkasama ng kabit niya.
Nanlumo ako sa mga sweet pictures nilang magkasama. Kung wala lang akong anak, gusto ko na sanang tapusin ang buhay ko. Para akong mababaliw na buong akala ko ay nagbago na ang asawa ko.
‘Yun pala ay may balak na siyang tuluyang makipaghiwalay sa akin. Pero tumahimik lang ako dahil hindi ko alam kung anong gagawin ko.
Ngayon ay sasakay na ulit ng barko ang mister ko. Nangangamba akong hindi na siya babalik pagkatapos ng anim na buwan niyang kontra.
Dapat ko na ba siyang komprontahin bago umalis?
Banjie
Dear Banjie,
Tama na isipin mo na may anak ka, na tiyak na nalulungkot din katulad mo dahil sa inyong natuklasan.
Mabuti nga siguro habang nandito pa siya sa bansa at hindi pa siya nakakaalis ay kausapin mo na si mister.
Pero sa mahinahong paraan upang magkalinawan kayo sa kung ano talaga ang gusto niyang mangyari sa inyong pamilya. Upang maliwanagan ka na rin sa plano niyang pagpapawalang bisa ng inyong kasal. At kung payag ka rin ba na basta na lamang tapusin ang inyong pagsasama o bibigyan mo pa ulit siya ng isa pang pagkakataon. Pero kung buo na ang loob niya, maging handa ka sa maaaring puwedeng niyang sabihin. Basta’t hindi mawawala ang sustento niya sa inyong mag-iina.
Dr. Love