Ang Kapitbahay (10) | Pilipino Star Ngayon


Ronnie M. Halos — Pilipino Star Ngayon

January 23, 2026 | 12:00am

TINAPOS na ni Vince ang pakikipag-usap kay Marie. Inaalala niya na baka biglang dumating si John ay kung ano ang isipin. Hindi niya alam ang ugali ni John. Baka seloso ito at masamain ang pakikipag-usap niya kay Marie. Ayaw niyang ma­sangkot sa anumang isyu.

“Sige Marie, may gagawin pa ako sa loob.”

“Sige Vince.”

Pumasok na si Vince sa bahay.

 

MAKALIPAS ang isang buwan saka lamang nakita ni Vince si John. Duma­ting si John isang umaga. Sinalubong ni Marie sa gate. Sabik na sabik si Marie.

Naisip ni Vince na siguro nga ay nakadestino sa malayong lugar si John. Kaya buwanan ang uwi nito. Sabi ni Marie, architect si John at ito ang gumagawa ng mga design ng isang fastfood. Madalas na sa malayong probinsiya nadedestino.

Makalipas ang isang linggo, umalis na naman si John at pagkaraan ng da­lawang linggo ay saka umuwi.

Minsan, na nagwawalis si Vince ng mga tuyong dahon ay natiyempuhan niya na nag­didilig si John ng mga tanim.

“Vince, kumusta?”

“Okey naman John. Ikaw kumusta?”

“Oks lang. Nasa destino ako kaya laging wala rito.”

“Ah.”

“Mahirap kapag nadestino sa malayo, Pre.”

“Hindi mo puwedeng isama si Marie.”

“Ayaw ni Marie—mas safe daw dito.”

Napatango na lang si Vince.

“Bukas nasa destino na naman ako—mahirap na naman ang sitwasyon,” sabi ni John. (Itutuloy)