February 27, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Tatlo katao ang nasawi kabilang ang isang barangay chairman habang dalawa pa ang sugatan nang suwagin ng rumaragasang pickup truck ang sinasakyan nilang tricycle sa Brgy. San Joaquin, Maria Aurora, Aurora nitong Lunes ng gabi.
Kinilala ang mga nasawi na sina Mauro Castillo, 54, chairman ng Brgy. Baubo; Emily Ancheta ng Brgy. Bazal; pawang ng nasabing bayan, at Roderick Mapindan ng Brgy. Zabali, Baler, Aurora; habang ang mga sugatan ay sina Rowena Castillo at Pilaya Ancheta, 56; kapwa ng Brgy. Bazal at Marie Biato.
Sa ulat, alas-9:30 ng umaga, binabagtas ng tricycle lulan ang mga biktima ang highway ng Brgy. San Joaquin, nang salpukin ng pickup truck na minamaneho ni King Gil Reyes.
Sa lakas ng impact, bumangga ang tricycle sa pader ng Maria Aurora National High School at tumilapon ang mga biktima sanhi ng mga pinsalang tinamo sa katawan. Galing umano ang mga biktima sa pakikipaglamay sa burol ng kanilang kaanak na si Vice Mayor Amado Geneta na nasawi sa pagkakasakit, at pauwi na sana sa kanilang tahanan nang mangyari ang malagim na aksidente.