Impeachment sa 2026: Presidente ba o Bise Presidente?


PULSOhan — Dr. Paul Martinez — Pilipino Star Ngayon

January 29, 2026 | 12:00am

Mula pa lang sa simula, malinaw na: ang impeachment laban kay President Ferdinand Marcos Jr. ay doomed. Patay na bago pa man isinilang. Sa pulitika, hindi sapat ang ingay—kailangan mo ng numero.

At ngayong Enero 2026, hawak pa rin ng Presidente ang 56.5 percent Index of Governance (IOG). Ibig sabihin: mayorya pa rin ang tiwala ng taumbayan. At kung mayorya ang publiko, walang impeachment na uusad.

Nasubukan na ito sa lansangan. May sigaw, may panawagan ng pagbibitiw—but it fizzled out. Bakit? Dahil ang galit ng bayan ay laging may kinukumpara. At sa pagkakataong ito, mas mabigat ang reserbasyon ng publiko kay Vice President Sara Duterte—lalo na sa kontrobersiya ng kanyang confidential funds.

Sa mata ng taumbayan, kung hindi malinaw ang kapalit, mas pipi­liin ang status quo. Ganyan ka-pragmatic ang Pilipino.

Ngunit dito nagiging exciting ang kuwento. Habang ang im­­peach­ment laban sa Presidente ay patay na, ang mas politically combustible at mas legally viable na kaso ay dahan-dahang hinuhubog: ang impeachment laban sa Bise Presidente. At ito, ayon sa mga senyales sa House of Representatives, ay bound to happen.

Hindi na ito basta trial-and-error. Natuto na ang mga mambabatas. Ang susunod na impeachment complaint ay tiyak na aayon sa mga pamantayang itinakda ng Supreme Court—maingat, pulido, at mas pinatibay ang ebidensya. Hindi na basta emosyon; ito ay stra­tegy na may legal spine.

At muli, public opinion ang magiging referee. Sa nakaraang halalan, nasubok na ang tapang ng mga kongresistang pumirma sa impeachment laban sa Bise Presidente. Oo, tinamaan sila —mga 3 percent hanggang 5 percent ang nabawas.

Masakit. Delikado. Pero hindi sapat para sila’y matalo. At iyon ang mahalagang leksiyon: ang impeachment ay hindi awtomatikong political suicide.

Bakit sila nanalo? Dahil ang mga kongresista ay nasa grounds —direkta sa barangay, sa komunidad, sa araw-araw na buhay ng kanilang mga nasasakupan. Nasa palengke, nasa lamay, nasa pista, at nasa mismong sentro ng lokal na usapan. Doon nila naipapaliwanag, harapan at walang filter, kung bakit nila pinirmahan ang impeachment.

Hindi tulad ng mga senador na madalas ay malayo sa grassroots at kailangang dumaan pa sa local political intermediaries. Sa impeach­ment politics, malinaw ang leksyon: proximity is power.

Ito ngayon ang tunay na equation ng 2026. May isang impeach­ment na imposible—sa numero, sa pulso ng bayan, sa realidad ng puli­tika. At may isang impeachment na dahan-dahang pinapainit—mas organisado, mas disiplinado, at mas naiintindihan ng publiko.

Sa huli, hindi sigawan ang magpapasya. Hindi rin puro batas lang. Ang magpapasya ay kung naniniwala ang taumbayan na ang pa­na­nagutan ay kailangan, makatarungan, at kapani-paniwala. At sa puntong iyon, ramdam na ramdam na: may bagyong paparating—at hindi ito sa Malacañang unang tatami.