February 3, 2026 | 12:00am
Dear Dr. Love,
Grabe po sa pagka-overprotective ang magulang ko. Ayaw nila akong paligawan. High school na po ako pero may service pa rin ako. ‘Di po ba, natural lang sa edad ko na 15 years old ang magkagusto ‘di ba?
Minsang nagsabi ako na may gustong manligaw sa akin, nagalit sila. Malandi agad ang sabi sa akin. Mabait naman po akong anak at masipag sa school.
Hindi rin ako pala-barkada. Samantalang ‘yung mga classmates ko ay legal na pinapayagan ng parents nila.
Bakit ganun ang magulang ko?
Missy
Dear Missy,
Maaaring magkakaiba ang paraan ng bawat magulang sa pagngangalaga sa kanilang anak, pero iisa ang layunin na nakapaloob doon…ang maingatan at tiyakin na magiging maayos ang lahat para sa kinabukasan ng kanilang anak.
Bagay na mahalaga. Alam mo kung bakit? Walang remind ang buhay. Ang minsang ma-ling desisyon na udyok ng kapusukan ng isang kabataan na gaya mo ay pwedeng pagsisihan habang buhay.
Naniniwala akong mabait kang anak, gaya ng sinabi mo. Kaya maaaring bugso lang ng damdamin ang pagtatampo mo sa iyong magulang.
Pero kapag nawala na ‘yun, mare-realize mo ang mga pangaral nila at tiyak na mauunawaan mo. Dahil mabait kang anak.
Magulang rin ako, at sa mga karanasan ko…iisa ang itinuturo, ang mabuting pangaral ng isang ama at ina ay garantiya sa mas masaya, masagana at ligtas na bukas mo. Maraming mabuting anak na talagang nagtagumpay sa buhay.
Pangako rin kasi ng Panginoon ‘yan, na kapag iginalang mo ang iyong ama at ina, magkakaroon ka ng mahaba, masaya at masaganang buhay.
Kaya huwag mo nang tingnan ang ibang magulang, dahil iba ang kalinga ng magulang mo sa’yo. At ang nagtutulak doon, walang iba kundi ang laki ng pagmamahal nila sa’yo.
Dr. Love