Nagseselos sa bilas | Pilipino Star Ngayon


Dear Dr. Love — Pilipino Star Ngayon

December 11, 2025 | 12:00am

Dear Dr. Love,

Hindi ko po alam kung dapat ko pang tawanan o dapat ko nang seryosohin. Nagseselos po kasi ang mister ko sa bilas niya.

Kapag nagkakasama kami sa mga handaan o pagdalaw, napapansin ko na bigla siyang nag-iiba ng mood kapag lumalapit ang bilas niya para makipag-usap o makipagbiruan lang nang normal. Sinabi ko na po sa kanya na wala siyang dapat ipag-alala, pero parang hindi nababawasan ang selos niya.

Paano ko po ba maipaparamdam sa mister ko na siya lang ang mahal ko, at paano ko rin maipo-protektahan ang harmony ng pamilya nang hindi ako nagmimistulang kampi sa kahit sino?

Jazz

 

Dear Jazzy,

Kausapin mo siya nang hindi confrontational. Bigyan mo siya ng reassurance. Hindi ‘yung, “wala ‘yan!” Kung may specific na nakaka-trigger sa selos niya, pag-usapan ninyo kung paano pareho kayong mag-a-adjust — hindi lang ikaw, pati rin siya. Ipaalala mo sa kanya na ang relasyon ay pundasyon ng tiwala.

DR. LOVE