Defense minister ng Pakistan, naging katatawanan matapos mag-ribbon cutting sa pekeng restaurant!


MGA KWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

February 3, 2026 | 12:00am

NAKATANGGAP nang matinding pambabatikos at pangungutya sa social media ang Defense Minister­ ng Pakistan na si Khawaja Asif matapos ang isang naka­­kahiyang insidente sa Sialkot, Punjab.

Buong pagmamalaking pinangunahan ng opisyal ang ribbon-cutting ceremony ng isang bagong “Pizza Hut” branch sa nasabing lugar, kung saan nakita pa siyang nakangiti at nakikipagkamay sa mga may-ari sa harap ng mga camera.

Gayunpaman, ilang oras lamang ang lumipas, naglabas ng official advisory ang management ng Pizza Hut Pakistan kung saan nilinaw nila na wala silang kinalaman sa binuksang pizza restaurant sa Sialkot.

Ayon sa kanila, isa itong “unauthorized outlet” na iligal na gumagamit ng kanilang pangalan, logo, at branding. Binigyang-diin din nila na hindi ito sumusunod sa international quality protocols, recipes, at food safety standards ng kanilang kompanya kaya delikado rin ito para sa mga konsyumer.

Agad na nag-viral ang balita at inulan ng kantiyaw si Asif. Maraming Pakistani netizens ang hindi makapaniwala na ang isang Defense Minister, na inaasahang mabusisi at may intelligence network, ay nabiktima ng isang fake business.

Biro ng isang user, “Only in Pakistan” lang daw posibleng mangyari na ang isang mataas na opisyal ay mag-eendorso ng isang pirated na restaurant nang hindi man lang nagve-verify.

Sa ngayon, nagsampa na ng reklamong legal ang sikat na pizza restaurant chain upang ipasara ang tindahan at bawiin ang trademark, habang nananatiling tahimik si Asif tungkol sa kanyang kapalpakan.