February 8, 2026 | 12:00am
Ginawang parausan simula 7-anyos
MANILA, Philippines — Bagsak kalaboso ang isang hayok sa laman na 67-anyos na lolo matapos ireklamo ng 105 beses na panggagahasa sa menor-de-edad na apong babae sa Allacapan, Cagayan, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ng Cagayan Police Provincial Office, inaresto ang suspect, itinuturing na No. 3 most wanted person (MWP) sa Cagayan Valley sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng korte sa kasong 105 counts ng rape, 105 counts ng sexual assault at tatlong counts ng acts of lasciviousness.
Ayon sa pulisya, ang biktima na itinago sa pangalang Anna ay 12-anyos kung saan isinalaysay ng bata a madalas siyang gahasain ng kaniyang lolo simula noong siya’y 7-anyos pa lamang noong 2020.
Gayunman, natakot umanong magsumbong si Anna sa kanyang lola at mga magulang dahil pinagbabantaan siya ng kaniyang lolo na papatayin.
Nabatid na ang biktima ay nakikitira lang sa kaniyang lola at lolo dahil malayo ang bahay ng kaniyang mga magulang na may kani-kaniya na umanong mga pamilya.
Dahil sa nagkakaisip na ang bata at hindi na niya masikmura ang kahayukan ng buhong nitong lolo ay nag-chat na siya sa kanyang ina at ipinagtapat ang paulit-ulit na panggagahasa sa kaniya ng lolo.
Agad namang dumulog sa pulisya ang ama ng biktima at kinasuhan ang suspect na nagresulta sa pagkakaaresto nito.
Inihayag ni Police Regional Office (PRO) 2 Director P/Brig. Gen. Antonio Marallag Jr. na ipagpapatuloy nila ang pagpapalakas ng operasyon laban sa mga wanted sa batas para sa mapayapang pamayanan.