Maraming pakinabang sa pag-inom ng salabat


DOC WILLIE — Dr. Willie T. Ong — Pilipino Star Ngayon

February 8, 2026 | 12:00am

MALAMIG ang panahon ngayon at tamang-tama ang pag-inom ng salabat. Subukang uminom ng isang tasa ng mainit na salabat pagkagising sa umaga at sa bandang hapon.

Maraming pakinabang sa pag-inom ng salabat. Ilan dito ang:

Nakatutulong sa masakit at pagod na kalamnan. Mabisa rin ito sa pamamaga. Sa pag-aaral sa mga ­pasyenteng may arthritis sa tuhod, ang pag-inom ng salabat ay nakababawas ng sakit ng 40 percent. Maganda rin ito sa nagduduwal at mahusay sa pag-aalaga ng boses.

Narito ang iba pang benepisyo sa pag-inom ng salabat:

1. Pinapaganda ang takbo ng dugo – Nakakatulong itong gumanda ang circulation ng dugo lalo na sa may high blood pressure at mataas ang cholesterol. Nakatutulong itong linisin ang daanan ng dugo.

2. Nagpapalakas ng immune system – May taglay itong gingerols at gingerdiol na nakakatulong labanan ang mga virus at bacteria, at palakasin ang resistensiya natin. Tumutulong din itong labanan ang cancer cells.

3. Nag-aalis ng mga sakit at hirap dulot ng regla o dysmenorrhea.

4. Nagbabawas ng pamamaga o inflammation – Nakakatulong itong bawasan ang arthritis, at pananakit ng ibang parte ng katawan.

5. Para sa stress – Nagdadala ng ngiti sa labi dahil nagtataboy ito ng stress. Nakatutulong na makalma ang nerves.

6. Nag-aayos ng panunaw at pagsipsip o pag-absorb ng sustansiya mula sa mga pagkain.

7. Nakatutulong na ma-improve ang memorya at iba pang function ng utak.