February 8, 2026 | 12:00am
PINATUNAYAN ng isang 97-anyos na negosyante sa Singapore na “age doesn’t matter” pagdating sa pag-ibig at batas matapos siyang manalo sa kaso laban sa kanyang sariling anak na humaharang sa kanyang pagpapakasal.
Nagsimula ang gulo nang ipahayag ng matanda ang planong pakasalan ang kanyang partner na mahigit 50 taon na niyang karelasyon (dating sekretarya at naging mistress habang buhay pa ang kanyang unang asawa).
Tutol dito ang kanyang pangalawang anak at naghain ng petisyon sa korte upang ideklara ang ama na may dementia at “mentally incapacitated” kaya niloloko lamang umano ito ng babae.
Subalit, ibinasura ng korte ang argumento ng anak.
Ayon kay Judge Shobha Nair, bagama’t may mild memory loss na ang 97-anyos, nananatili itong lucid at may kakayahang magdesisyon para sa sarili at sa kanyang kompanya.
Napuna rin ng huwes na mismong ang anak ang nag-apruba sa ama bilang CEO noong 2019, kaya kahina-hinala na bigla itong sasabihing “incapacitated” ngayong magpapakasal na.
Bilang ganti sa pagharang ng anak, inamyendahan ng matanda ang kanyang will kung saan tinanggal niya sa mana ang nasabing anak at apo, at nagsampa ng counter-lawsuit upang bawiin ang $3.8 million SGD (halos P170 milyon) na assets.
Bagama’t panalo sa High Court, kailangan munang ipagpaliban ang kasal dahil naghain pa ng appeal ang kampo ng anak.