P100-milyong puslit na yosi samsam, 2 Chinese, 2 pa timbog


Joy Cantos — Pilipino Star Ngayon

February 8, 2026 | 12:00am

MANILA, Philippines — Umaabot sa mahigit P100 milyong halaga ng mga smuggled na sigarilyo ang nasamsam ng mga operatiba ng pulisya habang arestado ang apat na suspect kabilang ang dalawang Chinese nationals sa magkahiwalay na operasyon sa lalawigan ng Bulacan at Davao del Sur, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Sabado.

Sinabi ni P/Brig. Gen. Randulf Tuaño, Chief ng PNP-Public Information Office (PIO), nagsagawa ng entrapment operation ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Bataan Provincial Field Unit (PFU) at Marilao Municipal Police Station (MPS) Bulacan sa isang industrial warehouse sa bayan ng Marilao. Dito’y nakumpiska ang nasa 1,300 master cases ng smuggled cigarettes, gayundin ang isang trailer truck at dalawang vans na ginamit sa pagbibiyahe ng mga kontrabando na tinatayang nagkakahalaga ng P80 milyon. Nasakote sa operasyon ang dalawang Chinese nationals.

Samantala sa Davao del Sur, nagsagawa ang Digos City Police at regional enforcement teams ng anti-smuggling operations sa Brgy. Dawis, Digos City. Nakumpiska rito ang nasa 440 master cases ng sari-saring smuggled cigarettes na walang graphic na babala sa kalusugan at tinataya itong nasa P22 milyong halaga.

Arestado sa operas­yon ang dalawang Pilipino habang itinurnover na sa kustodya ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang nakumpiskang mga puslit na sigarilyo.