February 8, 2026 | 12:00am
CAVITE, Philippines — Kasalukuyang inoobserbahan sa pagamutan ang isang call center agent makaraang barilin ng tatlong holdaper saka tinangay ang behikulo nito sa Mapple Grove Park, Brgy. Tejero, Gen. Trias City, kamakalawa.
Sa ulat ng pulisya , alas-12:10 ng madaling araw, sakay ang biktima na si alyas “Bryan”, 42-anyos, ng kanyang kulay puting Honda ADV 160, at bumabagtas sa Maple Grove Park nang magpasyang mag-park sandali.
Hindi pa man gaanong nakakababa ang biktima sa motorsiklo nang biglang dumating ang isa ring motorsiklong Honda PCX na kulay puti sakay ang tatlong lalaki na nakasuot ng puting t-shirt, puting helmet, itim at gray na jacket, at agad dinikitan ang una. Isa sa mga suspek ang agad na kinukuha ang susi ng motorsiklo ng biktima subalit pumalag ang huli. Dito na bumunot ng baril ang isa sa mga suspek at binaril ang biktima. Bago sila tumakas ay tinangay ang iba pang gamit ng biktima at motorsiklo nito.
Agad na naitakbo sa Divine Grace Medical Center ang biktima at kasalukuyang inoobserbahan.
Agad na naglabas ng pahayag ang hepe ng Gen. Trias Police na si PLt. Col Bismark Mendoza, nang mag-viral ang insidente sa social media.
“Kaugnay sa kumakalat na video na nag viral sa Social Media at Facebook sa Maple Grove hinggil sa naganap na pangangarnap at panghohodap sa isang call center agent, ang kapulisan ng Gen. Trias ay agad na nagsagawa ng masusing imbestigasyon upang matuloy at mahuli amg mga taong sangkot sa nasabing insidente. Sa kasalukuyan ay isinasagawa ang backtracking at forward tracking upang matunton ang pinagmulan at galaw ng mga suspek,” pahayag ni Mendoza.