February 8, 2026 | 12:00am
Mas mabagsik at mapanlinlang ngayon ang mga love scam o romance scam na kumakalat sa internet. Ginagamit na ng mga scammer ang Artificial Intelligence o AI para mangloko sa mga naghahanap ng makakasama sa buhay. Mas sopistikado ang kanilang modus operandi, mahirap matukoy, at delikado dahil kaya ng teknolohiya na gumawa ng pekeng larawan, video, at matalinong pakikipag-usap na tila totoong tao ang kausap.
Gumagamit sila ng deepfake technology para gumawa ng mga pekeng profile na kaakit-akit at kapani-paniwala. Puwedeng larawan ito ng totoong tao o ganap na gawa ng AI. Napakaganda niya o napakaguwapo, sexy o macho, Nakakapagpadala rin ng mga video at chat na dinisenyo upang bumuo ng tiwala at emosyonal na koneksyon sa biktima, bago humingi ng pera, regalo, o iba pang transaksyon sa ilalim ng pekeng dahilan.
Ayon sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at ScamWatch Pilipinas, tumitindi na ang banta ng AI-driven love scams sa bansa. Ayon kay Atty. Renato “Aboy” Paraiso, acting executive director ng CICC, ginagamit ng scammers ang AI upang ipakita ang pekeng damdamin at lumikha ng artipisyal na relasyon. Sa maraming kaso, mabilis ang pagbuo ng tiwala sa biktima bago hilingin ang pera sa pamamagitan ng pekeng emergency o investment schemes.
Noong 2025, nakatanggap ang CICC ng 123 pormal na reklamo tungkol sa love scams. Karaniwang dumarami ito bago ang Araw ng mga Puso, sa Hunyo na panahon ng kasalan, at Oktubre na malapit sa kapaskuhan. Nakabawi ang mga awtoridad ng mahigit P20 milyon na nakulimbat ng mga romance scammer mula sa kanilang mga biktima, na nagpapatunay na ang agarang pagrereport ay nakatutulong. Gayunpaman, karaniwang 3% lamang ng kabuuang na-scam ang nababawi, kaya’t mahalaga ang mabilis na aksyon at hindi pagpapanahimik dahil sa kahihiyan.
Iba’t ibang uri ng scammers ang kumakalat online. Kabilang dito ang “Sad Boy/Sad Girl” na gumagamit ng malulungkot na kUwento para makuha ang simpatiya, “Seducer” na humihingi ng pribadong larawan para sa pananakot, “Investor” na nag-aalok ng pekeng investment schemes, “Serviceman” na nagpapanggap na sundalo, “Escort” na humihingi ng paunang bayad, at “Slow Burn” na dahan-dahang bumubuo ng relasyon bago humingi ng pera. Kadalasang target ang kababaihang naghahanap ng foreign partner, kalalakihang may matatag na trabaho, mga taong pinipilit magpakasal ng pamilya, at solo parents.
Mas nakaaapekto ang AI-powered scams sa emosyon kaysa sa kakulangan sa kaalaman. Sa tulong ng AI, nagagawa ng mga manlilinlang na lumikha ng dynamic at personal na kuwento na tila totoong nakikilala ang biktima, kasama ang detalye ng kanyang trabaho, kaibigan, at interes. Nakaka-adapt ang AI sa emosyonal na estado ng biktima, kaya mas mahirap itong matukoy at iwasan. Ang mga deepfake video at audio ay maaaring magpakita ng mukha at boses na hindi tunay, ngunit mukhang totoong tao. Kahit ang tech-savvy na indibidwal ay maaaring mabiktima, patunay na mas malakas ang emosyon kaysa firewall ng pinakamatalinong digital native.
Para makaiwas sa ganitong panlilinlang, payo ng mga eksperto ay maging mapanuri at maingat sa pakikipag-ugnayan online. Huwag agad magpadala ng pera o personal na impormasyon, mag-request ng patunay ng pagkakakilanlan, at gumamit ng reputable dating platforms na may seguridad. Mainam ang extended video calls at pagkikita sa personal kung posible, at agad i-report sa awtoridad kung sa tingin ay biktima na. Ang mga bangko at gift card companies ay puwede ring tumulong sa pagbawi ng pondo kung maagap ang aksyon.
Ang lumalalang banta ng AI sa romance scams ay paalala na ang pagmamahalang nabuo sa internet ay may kasamang panganib. Ang pagiging maingat, kaalaman sa modus operandi ng scammers, at agarang pagrereport sa CICC at ScamWatch Pilipinas ang ilan sa paraan upang maprotektahan hindi lamang ang puso kundi pati ang bulsa. Sa digital na mundo, ang tunay na pag-ibig ay nangangailangan ng parehong emosyonal na kabutihan at matalinong pagsusuri upang hindi mahulog sa bitag ng artipisyal na pag-ibig.