February 11, 2026 | 12:00am
NANG mag-alas kuwatro ng hapon, lumipat si Vince sa bahay ni John. May bitbit siyang bangus sisig para pulutan.
Nakahanda na sa bakuran ang mesa at mayroon na ring malamig na apat na beer sa ibabaw niyon.
“Tamang-tama ang dating mo, Vince. Luto na rin ang pulutan natin, inihaw na panga ng tuna.”
“May dala ako, John- sisig.”
“Okey masarap ‘yan. Umpisahan na natin.”
“Sige.”
Inumpisahan nila.
Binuksan ni John ang dalawang beer.
Iniabot kay Vince ang isa.
“Tamang-tama ang lamig.”
“Kaninang umaga pa ‘yan sa ref kaya malamig na malamig,’’ sabi ni John at sinimsim ang beer.
“Aaaah sarap,” sabi pagkasimsim.
Sumimsim din si Vince.
“Tamang-tama nga, John,” sabi ni Vince at kumurot sa panga ng tuna. Isinawsaw sa suka at toyo na may sili.
“Sarap nito!” sabi ni Vince at tumungga ng beer.
“Bakit ba ngayon lang tayo nag-inuman, Vince?”
“Kasi ngayon ka lang naman nag-stay nang matagal dito sa bahay mo.”
“Ah oo nga. Lagi akong nasa malayo. Pero ngayon, magtatagal ako at marami tayong pagkukuwentuhan.”
Nakahanda si Vince. Mukhang marami ngang ikukuwento si John lalo na kapag may “karga”.
Itutuloy