September 26, 2026 | 12:00am
BUMAGSAK ang lalaki sa mamasa-masang lupa ng underground tunnel. Sa gitna ng kadiliman sa ilalim ng musuleo, halos hindi siya makahinga. Hinahapo siya sa pagtakbo matapos makita ni Kristina ang kadena sa kanyang paa.
Pero naisip niya na mabuti na rin na nangyari ito dahil napapagod na siyang magpanggap na kaluluwa ng namatay na haciendero.
Hindi siya si Emilio Valderrama. Siya si Andres, isang magsasaka na ang tanging kasalanan ay ang pagkakaroon ng mukhang kaparehung-kapareho ng yumao at paboritong anak ng matanda. Nang mamatay si Emilio, hindi iyon matanggap ng donya.
Sa tulong ng espiritistang si Mang Teban, dinakip siya at ikinadena upang gumanap bilang si Emilio sa loob ng apatnapung gabi. Hindi niya maintindihan kung para saan ang lahat ng kabaliwan na ito pero may hinala siyang may kinalaman ito sa mga ginagawang ritwal at mga itim na karunungan ni Mang Teban.
May narinig siya isang gabi na balak sila na buhayin si Emilio kaya hindi pa nila ito inililibing at pinanatili lamang sa isang babasaging kabaong.
Gabi-gabi, ang pag-akyat sa ikalawang palapag ng mausoleo ang tanging oras kung kailan nararamdaman ni Andres na tao pa rin siya. Si Kristina, ang dalagang ipinakasal sa isang bangkay—ang naging tanging liwanag sa kanyang impiyerno. Minahal niya ito sa kabila ng kasinungalingan. Ngunit ngayong nakita na nito ang kadena sa kanyang paa, alam niyang nabasag na ang kanyang pagpapanggap.
“Andres…”
Isang paos na boses ang nagsalita mula sa dulo ng madilim na daanan. Lumitaw si Mang Teban hawak ang isang sulo, habang kumakalansing ang susi sa kaliwang kamay.
“Nagiging maawain ka na naman sa babae,” malamig na banta ng albularyo habang itinututok ang apoy ng sulo sa mukha ni Andres. “Tandaan mo, may tatatlumpu’t limang gabi ka pa. Kapag nasira ang mga plano ni Donya Presentacion dahil sa katangahan mo, hindi lang ikaw ang mabubulok sa ilalim ng lupang ito, isusunod namin ang bagong kasal.” (Itutuloy)