January 16, 2026 | 12:00am
KINABUKASAN, nakita ni Vince mula sa pagkakasilip sa bintana na inaayos ng mag-asawang bagong lipat ang mga halaman sa bakuran. Magulo ang pagkakaayos ng mga paso at ang iba ay mga nasira na. Natutuyo na rin ang mga halaman.
Nagtulong ang mag-asawa sa paglilinis sa bakuran. Kumuha ng walis ang lalaki at nilinis ang mga laglag na dahon at iba pang kalat.
Pagkatapos ay nakita ni Vince na dinilig ng babae ang ilang halaman na naroon. Mukhang mahilig sa paghahalaman ang mag-asawa. Hindi katulad ng dating nangupahan na ni minsan ay hindi niya nakitang nagdilig o kaya’y nag-trim ng mga halaman. Bihira ring magwalis ng bakuran kaya maraming dahon ang naiipon at ang ilan ay nililipad pa sa bakuran niya. Mag-asawa rin ang dating nakatira na wala pa yatang isang taon ay umalis na.
Sa tingin ni Vince, mukhang maayos ang bagong nangungupahan. Napansin niya, walang anak ang mag-asawa. Bagong kasal kaya? Wala ring maid. Dalawa lang sa bahay ang mag-asawa.
Itutuloy