February 11, 2026 | 12:00am
NITONG Lunes, sa bisa ng 15 pirma, naipasa ng Senado ang isang resolusyon na kumokondena sa mga pag-atake ng Chinese Embassy laban sa ating mga public officials na buong tapang na nanindigan para sa West Philippine Sea.
Mahalaga ang resolusyon hindi lamang dahil sa nilalaman nito, kundi dahil nagawang lampasan ng mga pumirmang senador ang kani-kanilang party lines para sa West Philippine Sea. Sa kabila ng magkakaibang paniniwala, nagkaisa sila upang ipagtanggol ang soberanya, sovereign rights, at territorial integrity ng Pilipinas.
Ngunit gaya ng inaasahan, hindi nagpahuli ang mga tila spokesperson at kinatawan ng China sa Senado. Sa plenary session noong Lunes, nagpakitang-gilas si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa isang mahaba, paikut-ikot, at halos nakakahilong interpellation.
Aniya, na-provoke lamang daw ang China dahil sa umano’y “kabastusan” ng ilang public officials natin. Kailangan din daw muna niyang malaman kung ano ang eksaktong kabastusang sinabi ng Chinese Embassy bago siya sumuporta sa resolusyon.
Ano? Tayo pa ngayon ang bastos at provocateur? Paano napo-provoke ng isang maliit na bansa ang isang nuclear-armed superpower? Hindi ba ang tunay na kabastusan at provocation ay ang paulit-ulit na boat-ramming, water cannon attacks, at iba pang harassment ng China sa ating mga mangingisda at frontliner?
At ano pa ba ang gustong imbestigahan ni Cayetano? Saang kuweba ba ng China siya nagbakasyon? Alam ng buong bansa ang paulit-ulit na pambabastos ng Chinese Embassy. May internet naman siguro sa bahay at opisina niya.
Nakakatawa na ginawa pa niya akong paksa ng kanyang interpellation. Nasaktan sa bansag na “Tsinador”. Para sa kaalaman niya, tawag iyan ng mga Pilipino sa mga pulitikong taksil sa bayan. Masakit, ano?
Sa desperasyon na huwag magmukhang pro-China, tinawag niya akong “opportunistang balimbing.” Eh di wow. Ang taas kasi ng kanyang kredibilidad kaya kapani-paniwala siya. O baka, noong sinabi niya iyon, may salamin sa harap niya?
Sa huli, iginiit niyang pro-West Philippine Sea raw siya. Talaga ba? Halos 10,000 ang palusot, pero isa lamang ang totoo: kasama ang walong iba pa, na pawang mga pro-Duterte rin, hindi siya pumirma sa isang simpleng resolusyon upang kondenahin ang kabastusan ng Chinese Embassy.
Tapos masasaktan siya kapag tinatwag siyang “Tsinador” ng publiko? Kung may kapal ng mukha ang mga pulitko na maging traydor, huwag silang balat-sibuyas kapag binabatikos.