February 15, 2026 | 12:00am
Dear Dr. Love,
Ako po si Venus, 60- anyos at 10 years nang biyuda. Wala kaming naging anak ng mister ko.
Nang mamatay siya ay ginamit ko ang aming ipon at nag-buy and sell ako ng kung anu-anong kalakal at dito ako sinuwerte.
Hanggang sa nakapasok ako sa mga real state business na naging daan para umangat at yumaman ako.
Tuwing weekend ay naging pinakalibangan ko ang ballroom dancing. Dito ko nakilala si Neeto, 30 years old, isang dance instructor. Nagkapalagayan kami ng loob hanggang sa naging kami.
Parang nagbago at mas naging makulay ang aking mundo. Maligaya ako sa aming relasyon.
Ang problema ko ay ang aking mga kapatid at mga kaanak na maraming sinasabi laban sa amin.
Tampulan din kami ng tsismis sa aming lugar.
Kinukuwartahan lang daw ako ni Neeto. Nasasaktan ako dahil mahal ko siya. Ano ang dapat kong gawin?
Venus
Dear Venus,
Sa edad mo ay malawak na ang iyong karanasan sa buhay at alam mo na ang masama at mabuti. Hindi maiaalis sa isip ng tao na sa agwat ng inyong edad ay posibleng gusto ka lang gawing gatasan ng iyong boyfriend.
Ikaw lang din ang makakasagot kung totoo o hindi na kinukwartahan ka lang niya.
Pero buhay mo iyan kaya malaya kang gawin ang gusto mo basta’t wala kang pineperwisyong ibang tao.
Dr. Love