Ang kapit bahay (28) | Pilipino Star Ngayon


Ronnie M. Halos — Pilipino Star Ngayon

February 15, 2026 | 12:00am

ANIM na bote ng beer ang nainom ni John. Si Vince ay nananatiling apat at hindi na niya dadagdagan. Ayaw niyang malasing. Mahirap malasing. Marami na siyang karanasan noon na napasobra ang inom niya, Nagtanda na siya.

Lalong naging matabil ang dila ni John. Nagkuwento nang nagkuwento ng mga lihim ng kanyang buhay. Talagang kapag lasing ang tao nabibisto ang mga itina­tago. Hindi na dapat tanungin. Kusang binibigay na ang mga impormasyon.

Gaya ng anak niya. Meron daw siyang anak. Isa. Matagal na raw niyang hindi naki­kita ang anak.

“Sinusustentuhan mo naman?” tanong ko.

At napatuna­yan kong ang taksil ay sinungaling.

“Oo naman hik! Hindi ko pi­na­babayaan. Re­­gular ang sustento ko.”

Hindi na ako nagtanong pa.

Naisip ko ang asawa ni John na si Teresa. Halos umiyak si Teresa sa harap ko nang magkausap kami dahil hindi nagbibigay ng sus­tento si John. Nasaan ang puso ni John na natiis na hindi sustentuhan ang anak? Anong klaseng ama itong taong kaharap ko. Natitiis ang anak habang nasa isang kandungan. Mayroon naman siyang isu­sustento dahil maganda ang trabaho. Malaki ang kinikita.

“Hindi ko pinababayaan ang anakh koh hik!” sabi ni John na nabubuhol na ang dila.

Mayroon na akong dahilan para isumbong siya sa asawang si Teresa. Tatawagan ko si Teresa bukas at ire­report na narito si John.

“Pareng Vince, inom pah tayoh, hik! Parang hindi ka umiinom hik!” sabi ni John na lalong nabuhol ang dila.

Itutuloy