Ang Kapitbahay (40) | Pilipino Star Ngayon


Ronnie M. Halos — Pilipino Star Ngayon

February 27, 2026 | 12:00am

“Maski ako nagtataka rin sa nangyari, Vince,’’ sabi ni Teresa.

“Hindi ako makapaniwala na lalambot ng ganun si John. Dati, matigas siya at talagang hindi tuma­tang­gap ng paliwanag. Pero nang kausapin ko siya ng umagang iyon, para siyang maamong tupa.”

“Talaga?”

“Oo.”

“Hindi kaya dahil lasing pa siya o may hang-over?”

“Hindi siya lasing at pa­lagay ko wala ring hang-over. Maayos ang itsura niya.”

“Hindi ako makapaniwala ah!”

“Maniwala ka, Vince—ibang John ang nakaharap ko ng umagang iyon. Para bang nag-transformed siya— mula sa pangit na uod ay naging magandang paruparo—ganun ang pagkakati­ngin ko sa kanya.”

“Hindi naman kaya may baon kang gayuma o agimat nang nagtungo sa bahay ni John kaya naging maamong tupa?”

Nagtawa si Teresa.

“Wala, Vince.”

“Talagang isang bagong John ang nakaharap mo?”

“Oo. Nang mag-usap kami, mahinahon kong si­nabi ang tungkol sa aming anak. Sabi ko mag-aaral na ito. Hindi ko na kaya ang mga gagastusin sa pag-aaral at iba pa.

“At alam mo Vince, nakikinig siya sa mga sinabi ko at saka humingi ng tawad sa akin. Napakarami raw niyang nagawang kasalanan sa amin. Nagsisisi raw siya nang labis. Puwede ko raw ba siyang bigyan ng isa pang pagkakataon?

“Napaiyak ako. Humagulgol ako. Niyakap niya ako. Mapapatawad ko raw ba siya? Tumango ako.”

(Itutuloy)