TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Agad nadakip ng pulisya ang dalawang suspek sa pagnanakaw at pagpatay sa tatlong katutubong Maranao na nakatakdang bumili ng gold sa liblib na lugar Ng Barangay Sta. Teresa sa Lallo, Cagayan.
Ayon sa ipinalabas na report ng Police Regional Office-2, nakilala ang mga suspek na sina alyas “Fred”, 31, at alyas “Rod”, 48, kapwa residente ng Buguey, Cagayan.
Nadakip ang mga suspek sa ikinasang hot pursuit operation ng pulisya kamakalawa matapos matagpuan ang wala nang buhay na katawan ng tatlong biktima.
Nakuha sa pag-iingat ng mga nadakip na suspek ang isang 9mm pistol, isang M16 rifle na may buradong serial number, improvised firearms, rifle grenade, mga magazine at daan-daang bala, mga bag, at tatlong cellular phones.
Ayon sa ulat, nagtungo sa bayan ng Lal-lo ang mga biktima para makipagkita sana sa ka-transak na nagbebenta ng ginto nitong Huwebes (March 12), subalit dinala ang mga biktima sa isang liblib na lugar kung saan natagpuan ang kanilang mga bangkay at tinangay ang pera na kanilang dala.
Napag-alaman na may malaking halaga na dala ang mga biktima na pambili sana ng ginto.
May dalawang saksi naman ang nasa pangangalaga ngayon ng pulisya kaugnay sa karumal-dumal na krimen.
