MANILA, Philippines — Natangay ng di-umano’y security guard na naka-duty ng mga oras na iyon ang iba’t ibang mamahalin at hightech na cellphone na pawang mga iphone at iba pa sa isang gadget store sa loob ng kilalang mall sa Sta. Rosa City, Laguna
Batay sa ulat ng Sta. Rosa City Police, alas-6:10 ng gabi nang makatanggap sila ng report hinggil sa nakawan na nangyari sa nasabing mall.
Sa pagsisiyasat at pag-review ng pulisya sa CCTV, lumalabas alas-11:23 ng gabi nang pasukin ng ‘di nakilalang lalaki ang Pias Gadget Store sa loob ng mall.
Batay sa CCTV footage, walang nakita na may pumasok na sinuman sa nasabing gadget store, subalit nakita ang isang security guard na naka-duty sa mall na nagsasagawa ng roving nito.
Maliban sa nasabing security guard, wala na diumanong nakita na pumasok sa nasabing store.
Ayon pa sa report, itinawag umano ng nasabing security guard sa kanilang operation manager na nakita nitong magulo ang loob ng gadget store.
Sa iba pang kuha ng CCTV, tanging ang nasabing security guard lang diumano ang nakitang nagro-roving sa lugar at pagkatapos nitong mai-report ang insidente, pumasok umano siya sa loob.
Nasa 49 piraso ng iphone, ipad, chargers, at adaptor na may kabuuang halaga ng P1,730,600 ang nawawala sa store.
Sa kasalukuyan, ginawang person of interest ng pulisya ang security guard na kinilala sa alyas Marven.