Ipaglalaban pa ba o huli na ang lahat?


Dear Dr. Love,

Tawagin n’yo na lang po akong Joven. Sumulat ako dahil hindi ko na alam kung paano itatama ang isang malaking pagkakamali. May isang babae na matagal ko nang minamahal at nililigawan. Noong una, maayos ang lahat, pero bigla akong dinapuan ng takot—takot na baka hindi ko pa kayang ibigay ang buhay na nararapat para sa kanya. Dahil sa sariling insecurity, bigla akong dumistansya at nanahimik nang walang paliwanag. Akala ko, sapat na ang nararamdaman namin para hintayin niya ako habang inaayos ko ang sarili ko.

Nitong nakaraan, bumalik ako para pormal na hingin ang kanyang “oo.” Handa na sana akong itaya ang lahat, pero ang bumulaga sa akin ay isang masakit na katotohanan, May sinagot na siyang iba. Sabi niya, noong mga panahong kailangan niya ako, wala ako. Ang akala niya ay tuluyan ko na siyang kinalimutan kaya hinayaan niyang buksan ang puso niya sa taong nanatili sa tabi niya. Dr. Love, kasalanan ko bang mahuli sa sarili kong laban? Ipaglalaban ko pa ba siya o huli na ang lahat?

Joven

Dear Joven,

Ang pag-ibig ay hindi parang isang pelikula na pwedeng i-pause at ituloy kung kailan mo lang gusto. Sa panahong lumayo ka nang walang sapat na paliwanag, iniwan mo siya sa kawalan. Ang katahimikan mo ay hindi niya binasa bilang “paghahanda,” kundi bilang pag-ayaw o kawalan ng interes. Hindi natin siya masisisi kung binuksan niya ang kanyang puso sa iba—dahil sa paningin niya, ikaw ang unang bumitaw sa lubid na nagdudugtong sa inyong dalawa.

Ang payo ko ay irespeto mo ang desisyon niya. Kung mahal mo talaga siya, hihilingin mo ang kanyang kaligayahan, kahit hindi na ikaw ang dahilan nito.

Gawin mo itong isang mahalagang leksyon, ang pagkakataon ay hindi laging naghihintay.

DR. LOVE