Pulis-HPG timbog sa higit P100-K shabu


BAAO, Camarines Sur, Philippines — Muling pinatunayan ng Police Regional Office 5 sa pangunguna ni regional director Brig. Gen. Erosito Miranda na walang puwang sa kanilang hanay ang mga bugok na pulis matapos nilang arestuhin ang isang kasapi ng PNP-Highway Patrol Group sa loob mismo ng kanilang bahay sa ginawang search warrant operation at makuhanan ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit P100,000 sa Sitio Tagontong, Brgy. Agdangan, Baao, Camarines Sur kamakalawa ng gabi.

Nakakulong na at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at kasong administratibo ang pulis na si alyas “Police Corporal”, residente ng naturang lugar, at kasapi ng PNP-HPG 5.

Sa ulat, dakong alas-9 ng gabi, bitbit ang search warrant na inilabas ng korte ay magkatuwang na sinalakay mismo ng mga kasapi ng PNP-HPG5, PNP Drug Enforcement Group-Special Operation Unit, Provincial Intelligence Unit, Baao Municipal Police Station, Camarines Sur Police Provincial Office, Regional Intelligence Unit 5 at PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group 5 ang bahay ng suspek dahil sa pagkakasangkot nito sa kalakaran ng droga.

Hindi na nakapalag si Corporal nang arestuhin ng kanyang mga kabaro at makuhanan ng malaking halaga ng droga.

Nasamsam mula sa suspek ang apat na medium size plastic sachet na may 16.8 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P114,240.