Ama, 2 anak natusta sa sunog!


CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines — Patay ang isang 48-anyos na padre de pamilya at kanyang dalawang anak matapos na ma-trap sa nasunog nilang bahay sa Barangay Villa Bota, Gumaca, Quezon, kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat na tinanggap ni Quezon Province Police Provincial Office (QPPO) Director PCol. Romulo Albacea, kinilala ang mga biktima na sina Rol, at kanyang mga anak na sina Tin, 18, at ang menor-de- edad na si Carl na pawang natagpuang sunog na sunog.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-2:50 ng umaga nang sumiklab ang apoy sa kusina ng bahay ng mag-aama.

Dahil gawa sa mahinang materyales, mabilis na kumalat ang apoy hanggang sa lamunin ang buong bahay pati na ang katabing bahay.

Bago pa man duma­ting ang mga bumbero, nagtulong-tulong ang mga residente upang apulahin ang apoy ngunit hindi na ito kinaya.

Idineklarang fire out ang sunog bandang alas-4:10 ng umaga at sa isinagawang clearing operations ay doon na narekober ang mga sunog na katawan ng mag-aama.

Patuloy pang iniimbestigahan ng Gumaca Bureau of Fire Protection ang sanhi ng sunog at ang kabuuang halaga ng pinsala sa insidente.