MANILA, Philippines — Dahilan lamang sa pagkuha sa patay na palaka ay kapwa nasawi ang isang magkapatid makaraang aksidenteng mahulog sa isang malalim na bangin ang bunso na tinangkang sagipin ng kaniyang kuya sa Brgy. San Nicolas, Buenavista, Guimaras nitong Miyerkules ng hapon.
Kinilala ang biktima ay sina alyas “Tom”, 15; at kuya na si alyas “Dagul”, 26,na idineklarang dead-on-arrival sa pagamutan matapos maiahon sila sa balon.
Sa report ng Guimaras Police, naganap ang insidente,alas-2:00 ng hapon habang ang magkapatid kasama ang dalawa pang lalaki ay inupahan ng may-ari ng 54 metrong ang lalim na balon para kunin ang isang patay na palaka.
Sa imbestigasyon, habang sinusungkit ng kahoy ni Tom ang palaka ay aksidente itong nadulas dahilan basa ang lupa at nahulog sa balon.
Tinangka siyang sagipin ng kaniyang Kuya Dagul na lumusong sa balon pero nahirapan itong huminga.
Ang magkapatid ay hinagisan ng lubid ng mga kalalakihan upang makaahon pero tuluyan na ang mga itong kinapos ng hininga at nawalan ng ulirat.
Nakuha ng rescue team ang magkapatid sa balon at mabilis ang mga itong isinugod sa pagamutan,pero bigo nang maisalba ang buhay.