MANILA, Philippines — Patay ang isang radio announcer matapos na pagbabarilin sa bayan ng La Castellana, Negros Occidental nitong Biyernes ng hapon.
Kinilala ang nasawing biktima na si Julito “Jaz” Diamante Calo, 49 anyos, residente ng Brgy. Robles, La Castellana.
Si Calo, host ng “Waswasanay sa Quinto District” program na inieere sa 88.3 DNN News FM na nakabase sa Himamaylan City.
Sa ulat ng Negros Occidental Police, naganap ang pamamaslang sa biktima sa Sitio Lapak Kawayanan, Brgy. Robles, La Castellana ng lalawigang ito bandang alas-2:30 ng hapon.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya ang biktima ay nakatayo sa labas ng kanyang tahanan sa tabi ng highway nang biglang sumulpot sa lugar ang isang kulay puting SUV na galing sa direksyon ng La Carlota City.
Huminto sa tapat ng biktima ang behikulo at bigla na lamang pinagbabaril ang biktima ng lulan nito na unang pinaputukan sa ulo at iba pang bahagi ng katawan.
Ang biktima ay duguang bumulagta habang ang salarin ay mabilis na tumakas patungo sa direksyon ng kabisera ng La Castellana.
Iniimbestigahan pa ng pulisya ang insidente upang matukoy ang motibo sa krimen at madakip ang mga salarin.
