October 28, 2025 | 12:00am
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Tinatayang nasa P2.12 milyon na halaga ng iligal na sigarilyo na lulan ng isang van ang nasabat sa police checkpoint sa bayan ng Diadi ng lalawigang ito kamakalawa.
Ayon kay P/Capt Marvin Deculing, pinuno ng 1st Provincial Mobile Force Company ng Nueva Ecija Police, pasado alas-11:00 ng umaga nang maharang ang nasabing van na minamaneho ni alyas “Totoy”, 38, ng Manlapig, Capaz, Tarlac sa bahagi ng Barangay Nagsabaran sa nabanggit na bayan.
Agad na inusisa ng mga awtoridad ang driver kung ano ang laman ng sasakyan matapos mapansin ang isang box ng sigarilyo na mahagyang nakabukas sa tabi ng driver.
Nang buksan ang van ay tumambad ang nasa 53 na kahon ng sigarilyo na may tatak na Bon International Cigarette kung saan ang bawat kahon ay naglalaman ng 50 reams ng sigarilyo na nasa P2.12 milyon ang kabuuang halaga.
Ang matagumpay na operasyon ay pinangunahan ng 1st Provincial Mobile Force Company, Diadi Police, at ng Provincial Intelligence Unit ng Nueva Vizcaya.