Ika-3 Batang Pinoy gold nilangoy ni Garra


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

October 27, 2025 | 7:04pm

GENERAL SANTOS CITY, Philippines — Nilangoy ni Sophia Rose Garra ng Malabon City ang kanyang ikatlong ginto sa swimming competition ng 2025 Batang Pinoy dito sa Antonio Acharon Sports Complex ngayong Martes.

Nagposte si Garra ng bilis na 2:25.54 para sa bagong meet record sa girls’ 12-13 200-meter backstroke.

Nauna nang nagdomina ang 13-anyos na si Garra, kumuha ng gold sa 200m individual medley (IM), 100m freestyle, 200m backstroke at 100m backstroke sa 2024 edition sa Puerto Princesa City, Palawan, sa girls’ 12–13 50m backstroke (30.71).

Inangkin din ni FJ Catherine Cruz ng City of Mabalacat ang kanyang ikatlong ginto matapos manguna sa girls’ 16-17 200m backstroke sa tiyempong 2:29.51.

May siyam pang bagong meet records ang naitayo sa swimming event.

Sa athletics, tumalon ng bagong Batang Pinoy mark si McGreggy Odal ng Davao Del Sur sa kanyang 6.67 meters sa boys’ under-18 long jump.

“Hindi ko po ine-expect na makakagawa ako ng bagong record,” sabi ng 16-anyos na si Odal sa kanyang unang pagsalang sa Batang Pinoy.

Panalo rin ng ginto si Gwen Diaz ng Bohol sa girls’ under-16 high jump sa kanyang nilundag na 1.50m.

Nakatakda pang lumaban ng 15-anyos na si Diaz sa triple jump at 100m dash.

Sa weightlifting sa Barangay Labangal Gym, nagdagdag ng gold sa Zamboanga City sina Kyle Nathan Kue at Cydrelle Jay Andalahao.

Nanguna si Kue sa boys’ 12-year old age group, habang bumandera si Andalahao sa boys’ 38 kg. division para sa Zamboanga City na pinagmulan ni Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz.

Nauna nang nanalo sina Hero Anthon Alas-as (boys’ 10-year old age) at Jane Marie Manalo (girls 10-year old).