Pasahero ng bus, sinaksak ng kapwa pasahero, dedo!


Christian Ryan Sta. Ana, Ludy Bermudo — Pilipino Star Ngayon

October 27, 2025 | 12:00am

NUEVA ECIJA, Philippines — Patay ang isang lalaking pasahero matapos na saksakin ng kapwa nito pasahero sa loob ng Genesis air-conditioned bus sa Barangay Pinagpanaan, Talavera, Nueva Ecija, nitong Sabado ng gabi.

Ayon sa mga saksi, galing sa bayan ng Baler, Aurora ang bus at patungo sa Cabanatuan City, pasado alas-9 ng gabi, nang magkagulo sa loob ng bus at nagtakbuhan umano ng mga pasahero.

Nabatid na may isa umanong lalaking pasahero ang bigla na lamang umanong nanaksak ng kapwa pasahero nito, na sa unang nakalap na impormasyon ay sa leeg ng biktima itinarak ang patalim ng suspek.

Nang mga oras na iyon, nakahinto umano ang bus habang tinutulungan umano ng konduktor ang isang bumabang pasahero nito na maglabas ng kanyang kargamento sa compartment ng bus.

Dahil sa komosyon, nag-unahang nagbabaan ang mga pasahero kasama ang drayber ng bus, maliban umano sa hindi pa kilalang suspek na hindi umano tumakas at nakitang nagsasalitang mag-isa at maaari umanong may karamdaman ito sa pag-iisip. — Joy Cantos