MANILA, Philippines — Hindi masisilayan sa rookie draft ang ilang key players na nagpasyang lumiban muna sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) Annual Rookie Draft na idaraos sa Hunyo.
Nangunguna na sa listahan si dating UAAP Finals MVP at Best Opposite Hitter Alyssa Solomon na miyembro ng reigning champion National University.
May ilang offers na natanggap si Solomon mula sa iba’t ibang teams para maglaro sa international leagues subalit wala pa itong isinisiwalat kung saan nito dadalhin ang kanyang talento.
Ilan sa maugong na pupuntahan ni Solomon ang Japan V.League kung saan naglaro si dating NU middle blocker Jaja Santiago.
Hindi rin lalahok sa rookie draft si NU playmaker at many-time UAAP Best Setter Lams Lamina na magbabalik sa kampo ng Lady Bulldogs para gamitin ang kanyang final playing year.
Wala rin sina La Salle standouts Angel Canino at Shevana Laput gayundin si University of Santo Tomas libero at team captain Detdet Pepito.
Nagpasya rin sina Canino, Laput at Pepito na muling lumaro sa susunod na season ng UAAP.