LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Muling nagbabala si Police Regional Office 5 regional director Brig.Gen.Erosito Miranda na mahigpit niyang pananagutin at hindi kailanman pahihintulutang magtagal sa serbisyo ang mga pulis na abusado at may maling gawain matapos na ianunsyo nito na 30 sa kanyang mga tauhan sa Bicol ang pinarusahan dahil sa mga paglabag, 11 sa kanila ang tuluyang tinanggal sa serbisyo habang pinatawan ng iba’t ibang parusa ang 19 iba pa sa unang tatlong buwan ng taong ito o mula Enero hanggang nitong Marso.
Sa ulat na inilabas ng PRO5, bilang bahagi ng paglilinis sa kanilang hanay ay 11-pulis ang tinanggal dahil sa mga kaso ng grave neglect of duty o mabigat na pagpapabaya sa tungkulin at unbecoming of police officer, masama o hindi angkop na ugali na sumisira sa integridad bilang pulis; 12 ang pinatawan ng demotion o ibinaba ang ranggo dahil sa grave misconduct o maling asal; grave neglect of duty, at conduct of unbecoming of a police officer; 4 ang sinuspindi dahil sa grave misconduct at less grave neglect of duty; habang 3 ang ni-reprimand dahil sa less grave neglect of duty.
Ang mga pulis na na-dismiss ay mula sa Camarines Sur Police Provincial Office (PPO), Albay PPO, Regional Mobile Force Battalion 5, Regional Personnel Holding and Accounting Section, Regional Personnel and Records Management Division, Tinambac Municipal Police Station (MPS), Camarines Sur PPO Provincial Intelligence Unit, Ligao City Police Station, at Bacacay MPS sa Albay, Uson MPS, 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) sa Masbate, at 1st PMFC ng Sorsogon PPO.
Ang mga pinatawan naman ng isang ranggong demosyon ay mula sa Regional Intelligence Division ng Regional Headquarters, Legazpi City, at Ligao Police Stations ng Albay, at Labo MPS sa Camarines Norte.