Ang kapit bahay (75) | Pilipino Star Ngayon


MULA noon, hindi na nagdilig ng halaman o nagwalis ng kanyang bakuran si Vince para ma­kaiwas kay Margie.

Tinitiyempuhan ni Vince na umaalis si Margie ng bahay at saka siya nagdidilig at nagwa­walis ng mga laglag na tuyong dahon. Napansin ni Vince na madalas umalis ng bahay­ si Margie. Nagta-taxi ito pag-alis at ganundin sa pag-uwi.

Ginagawa ni Margie ang pag-alis sa bahay kapag nakapasok na sa unibersidad ang anak na si Brenda. Dumarating si Margie, bago lumabas ng school si Brenda.

Kabisado ni Margie ang schedule ng anak.

Saan kaya nagpupunta si Margie?

Baka nagwi-withdraw ng remittance?

Pero bakit napakatagal bago umuwi?

Inaabot ng maghapon. Madali lang namang mag-withdraw sa ATM. Labis ang pagtataka ni Vince sa madalas na pag-alis ng bahay ni Margie. Maari namang nakikipagkita sa kaibigan o dating classmates. Pero napakadalas ng pagkikita kung kaibigan o classmates?

ISANG umaga, nalimutan ni Vince na iniiwasan nga pala niya si Margie. Nagdilig siya ng halaman at nakita siya ni Margie.

“Vince, ba’t ngayon lang kita nakita?” tanong ni Margie.

“Ha? A e sumakit kasi ang paa ko kaya hindi ako makalabas ng bahay.”

“Rayuma o gout?”

“Hindi. May naipit sigurong ugat. Pero okey na nga­­yon. Hinilot ko lang.”

“Akala ko may nangyari na sa’yo. Nag-worry ako.”

Itutuloy