Mister ng mayor sa Lanao del Sur, pinaslang


John Unson — Pilipino Star Ngayon

February 28, 2025 | 12:00am

COTABATO CITY, Philippines — Namatay noon din ang isang mister ng kasalukuyang mayor ng Lumbaca-Unayan sa Lanao del Sur nang ito ay pagbabarilin sa tapat mismo ng kanilang bakuran, kamakalawa.

Kinilala ni Lanao del Sur Provincial Police at ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, ang nasawing biktima dahil sa mga tama ng bala na si Abdulazis Tadua Aloyodan,60.

Ang biktima ay mister ni incumbent Lumbaca Unayan Mayor Jamaliah Alo­yodan.Nabatid na ang una ay nanilbihan din bilang mayor bago nahalal ang kanyang misis nitong 2022.

Kinondena ni Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong, Jr. ang pagpatay sa dating mayor kasabay ng kanyang panawagan sa mga imbestigador ng Lumbaca-Unayan Municipal Police Station at mga barangay officials sa naturang bayan na magtulu­ngan sa pagkilala sa mga suspek.