Dear Dr. Love,
Ako po si Mosang. Magandang araw po. Isa po akong maybahay na gustong makatulong sa aming pamilya kahit sa simpleng paraan lamang. Nitong mga nakaraang buwan, naisipan kong sumali sa isang paluwagan kasama ang aking mga kaibigan at kapitbahay para kahit papaano ay makapag-ipon.
Sa totoo lang po, hindi naman kalakihan ang kinikita namin ng aking mister. Kaya para sa akin, ang paluwagan ay isang paraan para makapagtabi ng pera at may madudukot kami sakaling may emergency. Hindi ko naman ito ginagawa para sa sarili ko lamang, kundi para rin sa kapakanan ng aming pamilya.
Pero tutol na tutol po ang aking mister. Sinasabi niyang delikado raw ito at baka maloko lang ako. Mas mabuti raw na huwag na lang sumali. Dahil dito, madalas na kaming magtalo. Nasasaktan po ako dahil pakiramdam ko ay hindi niya ako pinagkakatiwalaan, samantalang gusto ko lang naman ay makatulong.
Mosang
Dear Mosang,
Huwag mong gawing labanan ang usapan—gawin n’yo itong pag-uusap. Umupo kayo, mag-usap nang mahinahon, at pakinggan ang isa’t isa. Maari mong ipaliwanag kung paano gumagana ang paluwagan at kung sino ang mga kasali, habang siya naman ay dapat ding makinig sa iyong panig.
Kung hindi pa rin siya kumbinsido, baka pwede kayong magha-nap ng gitnang solu-
syon—tulad ng mas maliit na halaga muna o ibang paraan ng pag-iipon na pareho ninyong mapagkakatiwalaan.
Ang pera ay maaa-ring ipunin, pero ang tiwala at respeto sa isa’t isa ang tunay na puhunan ng pamilya.
At heto ang aral na dapat mong baunin, sa mag-asawa, hindi dapat ‘ako’ o ‘ikaw’ ang nananalo—kundi ”tayo.”
Pagpalain kayo ng Diyos at patatagin ang inyong samahan.
DR. LOVE