Pinagbawalan nang mag-bf dahil bumaba ang grades, may bagsak pa


Dear Dr. Love,

Magandang araw po sa inyo. Isa po akong Grade 12 student na kasalukuyang dumadaan sa isang mabigat na sitwasyon. Tawagin nyo na lang po akong Ella.

May boyfriend po ako ngayon na mahal na mahal ko. Siya po ang nagbibigay sa akin ng saya at lakas lalo na kapag napapagod ako sa school. Pero kamakailan lang po, nalaman ng parents ko na bumaba ang grades ko, at ang mas masakit pa, may isang subject na bumagsak ako.

Dahil dito, pinagbawalan po nila akong makipagkita at makipag-usap sa boyfriend ko. Sabi nila, distraction lang daw siya at dapat mag-focus muna ako sa pag-aaral. Naiintindihan ko naman po sila, pero nahihirapan akong tanggapin dahil pakiramdam ko, hindi naman kasalanan ng boyfriend ko lang ahat. Sa totoo lang, minsan siya pa nga ang nag-e-encourage sa akin na mag-aral.

Ella

Dear Ella,

Salamat sa iyong liham. Alam mo, normal lang sa edad mo ang magmahal at magkaroon ng inspirasyon. Hindi masama ang pagkakaroon ng boyfriend—ang tanong lang, nakakatulong ba siya sa paglago mo o nagi-ging sagabal?

Sa sitwasyon mo ngayon, malinaw na nag-aalala ang iyong mga magulang. Hindi ka nila pinagbabawalan dahil ayaw nila sa kasiyahan mo, kundi dahil gusto nilang masigurong maayos ang kinabukasan mo. Tandaan mo, ang Grade 12 ay isang mahalagang yugto—dito nakasalalay ang susunod mong hakbang sa buhay. Hindi ibig sabihin na kailangan mong talikuran ang boyfriend mo, pero baka kailangan ninyong mag-usap at magkasundo na unahin muna ang pag-aaral. Kung totoo ang pagmamahalan ninyo, kaya nitong maghintay at magsakripisyo.

Patunayan mo muna sa iyong mga magulang na kaya mong bumawi. Ayusin mo ang grades mo, ipakita mong responsable ka, at sa tamang panahon, sila na mismo ang magtitiwala ulit sa’yo. Sa pag-ibig, hindi lang puso ang dapat pinapairal—kailangan din ng disiplina at tamang timing.

DR. LOVE