MANILA, Philippines — Isang opisyal ng Department of Education (DepEd) ang patay matapos na pababarilin sa Sitio Guicam, Barangay Dawa-Dawa, Alicia, Zamboanga Sibugay nitong gabi ng Huwebes.
Agad na namatay sa mga tama ng bala ang 45-anyos na biktima na nakilalang si Rey Dalaota Camaingking, isang schools district supervisor sa bayan ng Olutanga, Zamboanga Sibugay.
Sa ulat ni Capt. Rumulado Puig III, officer-in-charge ng Alicia Municipal Police Station, naglalakad si Camaingking, district supervisor ng DepEd-9, sa Sitio Guicam sa Barangay Dawa-Dawa nang lapitan at agad na pinagbabaril, gamit ang mga pistol ng mga lalaking agad na nakatakas.
Pauwi na sana noon sa kanilang tahanan sa Ipil, Zamboanga Sibugay si Camaingking nang abangan at pagbabarilin sa Sitio Guicam sa Barangay Dawa-Dawa.
Agad na namatay sa mga tama ng bala ang biktima, ayon sa mga barangay officials at mga police investigators na nag-responde sa insidente.
Tumakas ang mga pumatay kay Camaingking gamit isang getaway na Honda XRM 125 na motorsiklo.
