Motor shop niratrat: 1 todas, 3 sugatan!


COTABATO CITY, Philippines —Isang mekaniko ang agad na namatay sa mga tama ng bala at sugatan ang tatlong kasama sa trabaho sa isang motorcycle shop sanhi nang pamamaril ng riding-in-tandem sa Barangay Poblacion sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur nitong hapon ng Huwebes.

Nadeklarang dead-on-arrival si Norjahir Unos Nangka ng mga doctor sa hindi kalayuang Bangsa­moro Regional Medical Center sa Shariff Aguak kung saan siya dinala ng mga emergency responders upang malapatan sana ng lunas.

Sa imbestigasyon, may inaayos na motorsiklo si Nangka at ang kanyang mga kapwa motorcycle mechanics sa Pitsbike Motor Parts sa gilid ng highway sa sentro ng Shariff Aguak nang may pumaradang motorsiklo sa tapat nito na may sakay na dalawang lalaki at agad silang pinagbabaril ng isa sa kanila ng 9 millimeter pistol.

Maliban sa agad na namatay sa mga tama ng bala si Nangka, sugatan sanhi ng naturang walang habas na pamamaril ang mga mekaniko ng motorsiklo na sina Norjamer Hasim Unos, Paharudin Kambal Usman at Jaher Pananguilan Angeles.

Mabilis na nakatakas ang dalawang armadong lalaki na na-record ang kanilang pamamaril ng mga security cameras sa motorcycle shop kung saan nagtatrabaho ang mga biktima.