Pulis na tirador ng mga tulak, sugatan sa ambush


COTABATO CITY, Philippines — Sugatan ang isang pulis na popular sa pagkaaktibo laban sa mga tulak ng shabu at marijuana, nang tambangan at pagbabarilin ng mga pinaghihinalaang nalalabing mi­yembro ng nabuwag na Dawlah Islamiya terrorist group sa Barangay Salbu, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur nitong Martes ng gabi.

Sa ulat ng mga local executives at ni Captain Steffie Salanguit, spokesperson ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, ang biktima na si Staff Sgt. Samsudin Utto Abdullah, miyembro ng Datu Saudi Ampatuan Municipal Police Station, ay sakay ng kanyang kotse, pauwi na mula sa buong araw na duty, nang pagbabarilin ng mga armadong kalala­kihan na nakaabang sa gilid ng highway sa Sitio Lower Salbu sa Barangay Salbu, saka tumakas.

Ayon kay Salanguit at kay Col. Michael John Mangahis, director ng Maguindanao del Sur provincial police, nagtutulungan ang mga imbestigador ng Datu Saudi Ampatuan Police at barangay officials sa pagkilala sa mga pumatay kay Abdullah upang masampahan ng kaukulang kaso.