Bahay nabagsakan ng puno: 12-anyos tepok


 

COTABATO CITY, Philippines — Isang batang lalaki ang agad na namatay nang masapol ang tinatambayang kubo ng isang punong nabuwal sanhi ng malakas na hangin na humagupit sa Barangay Tamugan, Marilog District sa Davao City nitong Sabado ng umaga.

Sa ulat ng barangay officials, unang sumilong ang 12-anyos na biktimang si Angelo at kanyang 1-taong gulang na kapatid sa isang kubo sa Purok Kawayan ng naturang barangay  nang biglang bumuhos ang umulan at humangin ng malakas sa kapaligiran.

Sa lakas ng hangin, biglang nabuwal ang isang malaking puno at tumama sa kubo na kinaroroonan ng magkapatid at nasapol si Angelo.

Agad na namatay si Angelo sanhi ng pagkakadagan sa kanya ng punong nabuwal.

Nasagip naman ng mga barangay officials ang sanggol na kapatid na masuwerteng nakaligtas sa naturang aksidente makaraang magtamo lang ng mga galos at bahagyang bugbog sa katawan.

Naiulat na magbibigay ng ayuda ang barangay ng Tamugan at ng lokal na pamahalaan ng Davao City para sa pagpapalibing sa nasawing batang lalaki.