Mag-asawa todas sa salpok ng dump truck


MALOLOS CITY, Philippines — Patay ang mag-asawang magkaangkas sa motorsiklo matapos na mabangga ng isang dump trak ang sinasakyan nilang motorsiklo sa kahabaan ng Cagayan Valley road, Brgy. Tabang, Plaridel, Bulacan Huwebes ng gabi.

Sa ulat na nakara­ting kay PCol. Jay Bauba­yan, OIC Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, kinilala ang nasawing mag-asawa na sina Vergel Garcia, 60-anyos at ang kanyang asawa na si Joycelyn Garcia, 59-anyos, kapwa residente ng Barangay Pitpitan, Bulakan, Bulacan. 

Kinilala naman ang driver ng dump truck na si alyas “Christian”, ng Brgy. Bigte, Norzagaray, Bulacan.

Sa inisyal na imbestigasyon, sakay ang mag-asawa ng isang itim na Honda Dash motorcycle na may plakang 3558-NZ at papunta sana ng Guiguinto, Bulacan nang aksidenteng mabangga sila ng isang puting Sinotruk dump truck na may plakang NFX-6327 dakong alas-7:30 ng gabi sa nasabing barangay. Naipit ang mag-asawa sa ilalim ng gulong ng dump truck na ikinamatay kaagad ni Joycelyn habang si Vergel ay isinugod sa Bulacan Medical Center ngunit binawian din ng buhay.

Kusang loob na sumuko sa mga awtoridad ang driver ng dump truck na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in double homicide and damage to property.