Dear Dr. Love,
Tawagin n’yo na lang po akong Jun, 24. May dalawang taon na po kaming magkasintahan ni Grace.
Mahal na mahal namin ang isa’t isa, pero ang problema po ay ang kanyang mga magulang.
Nitong mga nakaraang buwan, napapadalas ang pag-uwi namin nang gabi dahil sa traffic at mga lakad.
Dahil dito, pinagbawalan na po akong makipagkita o umakyat ng ligaw sa kanya. Binabantayan na rin siya nang husto ngayon.
Nasasaktan po ako dahil malinis ang intensyon ko, may trabaho ako, at responsable naman.
Naiipit din po ang girlfriend ko sa amin ng pamilya niya. Ano po ang dapat kong gawin?
Haharapin ko ba ang magulang niya para magpaliwanag o lalayo muna ako para hindi lumala ang sitwasyon?
Jun
Dear Jun,
Para sa mga tradisyunal na magulang, ang curfew ay katumbas ng respeto.
Noong napadalas ang pag-uwi ninyo nang gabi, naramdaman nilang hindi mo nirerespeto ang patakaran ng tahanan nila.
Kaya kung naiisip mo na makipagkita sa girlfriend mo ng patago, big no! Huwag mong gagawin ‘yandahil lalong masisira ang tiwala nila kapag nahuli kayo.
Ang payo ko ay gawin mo ang pagharap sa mga magaulang ng girlfriend mo nang may galang. Pumunta ka sa bahay nila (magpatulong ka sa girlfriend sa tamang tyempo).
Patunayan mong responsable kang lalaki. Humingi ka ng tawad nang walang idinadahilan.
Huwag mo isisi sa traffic ang pagkaantala. Sabihin mo, “Paumanhin po kung nagkulang ako sa pagrespeto sa oras at patakaran ninyo.”
Tapos, maglatag ka ng solusyon. Halimbawa, mangako ka na ihahatid mo nang mas maaga sa curfew na gusto nila ang girlfriend mo, at panindigan mo ito.
Kung siya talaga ang pangarap mong makasama habambuhay, daanan mo ang tamang proseso para makuha ang bendisyon ng mga magulang niya.
Patunayan mong kaya mo siyang a-lagaan at respetuhin.
DR. LOVE