2 amasona rebelde utas, 1 pa timbog


MANILA, Philippines — Dalawang amasonang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang napaslang habang isa pa ang nasakote makaraang makasagupa ang tropa ng mga sundalo sa Naujan, Oriental Mindoro nitong Miyerkules.

Sa report, sinabi ni Col. Michael Aquino, Acting Chief ng Army’s 2nd Infantry Division (ID) sa isang liblib na lugar sa bayan ng Naujan ng nasabing lalawigan dakong alas-1:30 ng hapon.

Naglunsad ng combat operation ang tropa ng Army’s 76th Infantry Battalion (IB) na nauwi sa bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at ng grupo ni Ka Floro, lider ng mga rebelde sa lalawigan.

Sa kainitan ng palitan ng putok ay dalawang amasonang mga armadong rebelde ang magkakasunod na tumimbuwang na agad binawian ng buhay sa insidente. Ang bangkay ng mga ito ay inabandona ng mga nagsitakas nilang kasamahan.

Nasakote ng mga sundalo ang isa sa mga rebelde matapos na masukol sa encounter site. Inaalam pa kung mga estudyante ang napaslang na mga rebelde.