LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Patay ang dalawang estudyante habang isa pa ang sugatan matapos ma-trap sa nasusunog na boarding house sa Purok 1, Sitio Pag-asa, Brgy. Rawis, Legazpi City, Albay kamakalawa ng madaling araw.
Sinubukan pang isugod sa Legazpi City Hospital ang walang malay na mga biktimang sina Jer, residente ng Brgy.Tablak, Matnog, Sorsogon at Willy, ng Masbate City, Masbate pero kapwa sila ideneklarang dead-on-arrival.
Nagtamo umano ng 2nd degree burn at ilang sugat sa katawan ang mga biktima. Patuloy namang nilalapatan nang lunas ang sugatan ding si Jan, 18-anyos, residente ng Brgy. Rawis, Libon, Albay. Lahat sila ay estudyante ng kalapit na Mariners Polytechnic Colleges Foundation-Legazpi City.
Sa ulat, dakong ala-1:48 ng madaling araw nang biglang magliyab ang katabing Law Office at nasunog ang tatlong kotseng nakaparada sa tabi nito. Mabilis na kumalat ang apoy at nadamay ang tinutuluyang boarding house ng mga estudyante na nasa kasarapan ng tulog.
Ayon kay Fire Senior Inspector Mark Kevin Marqueses, mabilis silang nakapag-responde makaraang matanggap ang tawag dakong alas-2:26 ng madaling araw at naideklarang fire out mag-a-alas-3 na ng madaling araw.
Sa retrieval operation, natagpuan ang mga biktima sa loob ng nasunog na bahay na walang malay at agarang isinugod sa pagamutan, pero idineklarang kapwa patay.
Problema sa kuryente ang tinitingnan ng BFP na naging sanhi ng sunog.
