Mister tepok sa suwag ng alagang kalabaw!


MANILA, Philippines — Kalunos-lunos ang sinapit na kamatayan ng isang 38-anyos na mister matapos itong suwagin ng nagwala nitong alagang kalabaw sa Brgy. Quiwi, Hinigaran, Negros Occidental , ayon sa ulat kahapon.

Sa report ng Negros Occidental Police, kinilala ang biktima sa pangalan lamang nitong “Ronald,” magsasaka, may-asawa, habang ang kalabaw ay nasa pitong taon na umanong alaga nito.

Ang biktima ay dead-on-arrival sa pagamutan sa tinamong malalalim na sugat partikular na sa tiyan at dibdib sanhi ng suwag ng sungay ng alaga nitong kalabaw.

Base sa imbestigasyon, hinihila ng biktima ang alagang kalabaw patungo sa lupang sinasaka nito nang mangyari ang malagim na insidente pasado alas-6 ng umaga noong Huwebes. Kasalukuyan umanong nag-iigib ng tubig ang misis ng biktima nang marinig nito ang malakas na sigaw ng kaniyang mister na humihingi ng tulong.

Agad namang sumaklolo ang mga kapitbahay ng mag-asawa at pinagtulungang hulihin ang kalabaw na kanilang napakalma sa insidente matapos ang mahigit isang oras.

Nagawa pang maisugod sa pagamutan ang nasabing mister, pero nabigo nang maisalba ang buhay nito sanhi ng pagkaubos ng dugo sa matinding mga sugat na tinamo mula sa sungay ng kaniyang alagang kalabaw.

Pinaniniwalaan namang nagalit ang nasaktang hayop na kasalukuyan pang kumakain ng damo nang hilahin ng biktima at hagupitin kaya ito nagwala at pinagsusuwag ang kaniyang amo.