MANILA, Philippines — Kaalinsabay ng selebrasyon ng ‘Women’s Month’, isinusulong ni Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña na ideklara ang buwan ng Marso bilang “Bawal Bastos Awareness Month”.
Hinikayat din ni Cendaña ang Philippine Commission on Women (PCW) na magsagawa ng Compliance Audit sa mga pampubliko at pribadong establisimyento kung epektibong naipatutupad ang Safe Spaces Act.
Nitong Lunes, naghain si Cendaña ng House Resolution No. 224 na nagdedeklara sa Marso bilang “Bawal Bastos Awareness Month”.
“2025 na. Hindi na dapat uso ang pambabastos sa kababaihan at sa iba pang kasarian. Bawal ang bastos sa kalye, sa opisina, sa social media, at lalo na sa gobyerno. Dapat ligtas ang lahat, saan man sila magpunta—walang excuse, walang palusot!” ayon kay Cendaña.
Sakaling mapagtibay bilang batas, ang PCW ay magsasagawa ng audit na kabibilangan ng public awareness campaigns at anti-sexual harassment seminar, pamamahagi ng educational modules at epektibong pagpapatupad ng VAWC desks at iba pa.
?“Through this resolution, we hope to raise awareness and cultivate a culture of gender-sensitivity and safe spaces. Dahil hindi dapat seasonal ang respeto at lalong hindi pwedeng may VIP pass ang mga bastos!” anang mambabatas.?“Hindi lang ngayong March bawal ang mga bastos, kundi araw-araw dapat,” pagtatapos pa ni Cendaña.