Babae, idinemanda ang kanyang school dahil pina-graduate siya kahit hindi marunong magbasa at magsulat!


ISANG 19-anyos na babae sa Connecticut, U.S.A. ang dumulog sa korte laban sa kanyang dating paaralan matapos siyang mapagtapos bilang honor student kahit hindi siya marunong magbasa at magsulat!

Si Aleysha Ortiz ay nagtapos noong Hunyo 2024 sa Hartford Public High School na may honors at nakakuha pa ng scholarship sa University of Connecticut.

Pero ayon sa kanya, isa itong panloloko dahil sa loob ng 12 taon niyang pag-aaral, hindi siya natutong bumasa o sumulat nang maayos. Dahil hirap siyang bumasa, ginamit niya ang iba’t ibang apps sa cell phone gaya ng text-to-speech at speech-to-text para lang matapos ang kanyang mga homework.

Hindi lang ang paaralan ang idedemanda ni Ortiz sa kanyang kaso. Kinasuhan din niya ang Hartford Board of Education, ang lungsod ng Hartford, at ang special needs teacher niyang si Tilda Santiago.

Ayon sa reklamo, hindi lang siya pinabayaan sa pag-aaral kundi pinahirapan pa umano siya ng guro sa pamamagitan ng panlalait at panggigipit.

Ipinahayag din ni Ortiz na mula pa pagkabata, alam na niyang may problema siya sa pagbabasa, pero walang ginawang konkretong aksiyon ang paaralan.

Isang buwan bago ang kanyang graduation, doon lang umano siya isinailalim sa pagsusuri, na sa huli ay nagpatunay na siya ay may dyslexia at nangangailangan ng masusing pagtuturo.

Sa kabila ng kanyang kakulangan sa pagbabasa at pagsusulat, natanggap si Ortiz sa University of Connec­ticut sa pamamagitan ng holistic admissions process, kung saan hindi na kinakailangan kumuha ng SAT exam. Ginamit niya ang teknolohiya upang sagutan ang application at pagsusulat ng college admission essay.

Pero hindi naging madali ang buhay sa kolehiyo. Aminado siyang hirap na hirap sa mga klase kaya napilitan siyang huminto noong Pebrero para sa mental health treatment.

Plano niyang bumalik sa pag-aaral pero nais niyang siguraduhin na hindi na ito magiging kaparehong bangu­ngot na dinanas niya noon.

Ayon kay Anthony Spinella, abogado ni Ortiz, hindi nila layunin na humingi ng karagdagang serbisyo mula sa paaralan kundi papanagutin ang mga sangkot sa emotional distress na dinanas ng kanyang kliyente.

Sa kabila ng lahat, determinado si Ortiz na ipaglaban ang kanyang edukasyon. “Gusto kong matuto. Kinuha nila sa akin ang pagkakataong ‘yon. Pero hindi ako titigil dahil ito ang buhay ko, ito ang kinabukasan ko,” aniya.