MANILA, Philippines — Kailangan umanong palawakin ang scholarship programs para sa mga estudyante upang matugunan ang pangangailangang pinansyal ng mga ito habang nag-aaral.
Sa isang panayam kasama ang DZRH, sinabi ni GP (Galing sa Puso) Party-list first nominee Atty. JP Padiernos na maraming mga karapat-dapat na mag-aaral ang dapat bigyan ng financial assistance. Sinabi niya na isa ang pangangailangan na ito sa prayoridad ng kanilang partylist kapag nagbukas na muli ang Kongreso.
Ayon kay Padiernos, kahit na libre ang pag-aaral sa mga public schools ay nahihirapan naman umano ang mga mag-aaral na tustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan tulad ng pagkain, pamasahe, at school supplies na siyang tanda ng matinding pangangailangan ng mga kabataan sa mas komprehensibong scholarship program.
«Ang nagiging problema ng ating mga kababayan sa pag-ikot namin, kaya tumitigil ang mga kabataan natin is ‘yung mga pamasahe nila, pambili ng books, school supplies,» sabi ni Padiernos.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), mahigit 11 milyong mga kabataang Pilipino na may edad 5 hanggang 24 na hindi pumapasok sa pormal na mga paaralan simula pa lamang noong 2024.
Naniniwala umano si Padiernos na ang pagpapalawak ng scholarship programs ay makatutulong upang mahikayat ang mga mag-aaral na bumalik sa pag-aaral kung natutugunan lamang ang kanilang mga pangunahing pangangailangan sa pag-aaral.
«Mas maganda ‘yung long-term scholarship program that we will take into account. Gagawin po natin lahat ng makakaya. Siyempre, if the student is well-deserving, especially in maganda ‘yung potential ng estudyante, why not?» dagdag pa niya.
Ayon sa datos ng Department of Education (DepEd), kasalukuyang mayroong 7,011,942 na junior high school students at 3,317,973 senior high school students ang bansa.
